UST mangangalmot sa UAAP Season 89
MANILA, Philippines — May dalawang dekada ng tagtuyot ang University of Santo Tomas sa pagsilo ng korona sa UAAP men’s basketball tournament.
At dahil maugong na isa ang UST sa teams ngayong Season 89 ang may matibay na line up ay posibleng ito na ang pagkakataon na tuldukan ang matagal ng hinihintay na kampeonato.
May ipinagmamalaki ang Growling Tigers na matinding sentro, ito’y si Collins Akowe at may sahog pang matitikas na forwards na sina Mark Llemit at Amiel Acido kaya hindi sila maagrabyado sa height.
Nandyan din si Gelo Crisostomo kung saan ay nasa pang-apat na taon ng hinahawakan ni head coach Pido Jarencio ang España-based squad.
“Noong una, nangangapa pa tayo dahil ‘di ko naman players ‘yun, ngayon itong team na ‘to, akin na ‘to, naayos namin ‘yung programa, ‘yung sistema, kaya naging mas solid na kami.” sabi ni Jarencio.
Si Jarencio ang head coach ng UST ng sakmalin nila ang korona noong 2006.
Ang katanungan ng mga fans ay makakalsuhan na ba ng UST ang 20 taon na pagka-uhaw sa korona?
“Go through the motions lang kami, walang team na tapon dyan eh, so tingnan lang muna namin kung saan kami aabot,” pahayag ni Jarencio.
Bahagyang nabawasan ng bangis ang Growling Tigers dahil sa pagkawala nina Nic Cabañero, Forthsky Padrigao, at Kyle Paranada, subalit nananatiling malakas ang kumpiyansa ni Jarencio sa kanyang mga bataan.
- Latest





















