Asiad-bound Gilas sasabak sa friendly games sa Korea

MANILA, Philippines — Sasalang sa ilang friendly games ang Gilas Pilipinas sa South Korea bago tumulak sa Nagoya, Japan para sa 2026 Asian Games na papalo sa Setyembre.
Nakatakdang umalis ng maaga ang Gilas PIlipinas dahil daraan muna ito sa South Korea upang doon sumailalim sa training camp at ilang tuneup games.
Matapos nito ay agad na tutungo ang Gilas sa Japan dahil maagang magsisimula ang basketball event ng Asian Games.
Lalarga ang men’s basketball sa Setyembre 10.
Nasa Pool C ang Pilipinas kasama ang China, Bahrain at Kazakhstan.
Unang makakalaban ng Gilas ang Bahrain sa Setyembre 11 kasunod ang Kazakhstan sa Setyembre 12 at ang China sa Setyembre 14.
Ang dalawang mangungunang koponan ay awtomatikong aabante sa quarterfinals.
May tsansa pa rin makapasok ang third-place team sa bawat grupo base sa quotient nito kasama ang iba pang third-placers ng ibang grupo.
Dalawang Gilas teams ang inihahanda ni head coach Tim Cone — isa para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers at isa para sa Asian Games.
Magkahiwalay ang ensayo ng dalawang teams.
Hawak ni Cone ang ensayo ng Gilas para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers kasama sina LA Tenorio at Sean Chambers.
Nasa Gilas Asian Games team naman sina assistant coaches Richard del Rosario, Josh Reyes at Jong Uichico.
Unang lalaruin ang FIBA World Cup Asian Qualifiers kung saan makakalaban ng Gilas ang Jordan sa Agosto 28 at Iran sa Agosto 30 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Matapos nito, agad na tututukan ni Cone ang Gilas para sa Asiad.
- Latest


















