EDITORYAL — Patunayan ang mga sinabi sa SONA
MALAKAS ang naging pambungad ni President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) kahapon: hindi raw siya pangulo ng kanyang pamilya, hindi pangulo ng kanyang kaibigan, kundi pangulo ng Pilipinas.
Magandang linya iyon. Matapang pakinggan. Lalo na’t sinabi ito kasabay ng usapin ng flood-control scandal at ng nakatakdang pagsasampa umano ng kaso laban sa kanyang pinsang si dating House Speaker Martin Romualdez.
Pero sa gobyerno, hindi sapat ang magandang linya. Kailangang may kasunod na gawa.
Kung tunay na walang pamilya, kaibigan, o kaalyado ang sasantuhin, dapat makita ito sa mga kasong isasampa, sa ebidensiyang ilalabas, sa perang mababawi, at sa opisyal na mananagot. Hindi sapat na sabihing nasuri na ang mga proyekto ng DPWH. Kailangang malaman ng publiko kung sino ang pumirma, sino ang kumita, sino ang nagpabaya, at sino ang haharap sa korte.
Matagal nang pagod ang taumbayan sa imbestigasyong malakas sa simula pero tahimik sa dulo. Sa korapsiyon, ang sukatan ay hindi galit sa podium. Ang sukatan ay kaso, hatol, at pagbabagong hindi na ito mauulit.
Mahalaga rin ang sinabi ng Pangulo tungkol sa electric bills. Tama siyang sabihin na hindi kasalanan ng konsyumer ang system loss, kaya hindi ito dapat basta ipasa sa bill. Kung seryoso ang administrasyon dito, dapat mabilis itong itulak sa Kongreso at bantayan hanggang maging batas. Hindi sapat ang relief kung pansamantala lang. Ang kailangan ay tunay na bawas sa pasaning buwan-buwan ay binabayaran ng pamilya.
Binanggit din ang tax relief para sa middle class at maliliit na negosyo, health programs gaya ng zero-balance billing, YAKAP at GAMOT, teacher promotions, energy projects, railways, disaster response, at tulong sa agrikultura. Magaganda ang pakinggan ng mga ito. Pero tulad ng lahat ng pangako sa SONA, ang tanong ay kung kailan at paano ito mararamdaman ng ordinaryong Pilipino.
Sa West Philippine Sea, tumatak ang pahayag na “we do not yield.” Dapat ganoon din ang tindig hindi lamang sa harap ng China, kundi sa harap ng korapsiyon, mahal na bilihin, at sistemang nagpapabigat sa mamamayan. Hindi puwedeng matapang lang sa salita. Kailangang matatag sa aksiyon.
Kung Pangulo siya ng Pilipinas, hindi ng pamilya o kaibigan, dapat patunayan ito sa susunod na mga buwan: sa korte, sa bill ng kuryente, sa presyo ng bilihin, sa serbisyo publiko, at sa araw-araw na buhay ng Pilipino.
Maganda ang mga sinabi ng Pangulo. Ngayon, dapat niya itong patunayan.
- Latest




















