NBI ipatatawag PHISGOC execs sa 2019 SEA Games probe
MANILA, Philippines — Magpapadala ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga matataas na opisyal ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) bilang bahagi ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa 2019 Southeast Asian Games.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, sa Lunes ay iimbitahan sa testificandum at duces tecum sina Ramon Suzara, Dexter Estacio, John Lester Binsuceso, at iba pang director ng PHISGOC.
Nakuha na ng NBI ang General Information Sheets (GIS) ng PHISGOC mula 2019 hanggang 2026, pati na rin ang mga pinansyal at na-audit na financial statements ng organisasyon na gagamitin sa imbestigasyon.
Batay sa records ng Securities and Exchange Commission (SEC), si Suzara ang chairman at president ng PHISGOC; si Estacio ang chief financial officer; at si Binsuceso (Buenconsejo) ang corporate secretary. Kasama rin ang iba pang director sa ipatatawag ng NBI.
Kabilang sa binubusisi ng ahensya ang P650 milyon na ginugol sa rental at higit P300 milyon sa consultancy fees, bukod pa sa na-audit na financial statements. Hindi naman lumabas sa corporate official records ng SEC ang pangalan ni Sen. Alan Peter Cayetano, na dating chair ng PHISGOC sa 2019 SEA Games.
“Based on the record po ng SEC, yung hawak nating papel ngayon, hindi po naman lumalabas yung kanyang pangalan,” ani Matibag.
Dagdag pa niya, “Ito po yung isang katanungan natin… sila Suzara to explain what is the role of Senator Cayetano.”
- Latest















