‘Huwag magpulitika kung magnenegosyo’
Ombudsman sa mga may conflict of interest
MANILA, Philippines — Pinayuhan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang mga opisyal ng gobyerno na iwasan ang conflict of interest habang nagseserbisyo sa publiko, lalo na kung nais nilang pumasok sa negosyo.
“Itong conflict of interest, tigilan na natin. Let’s set a standard in our country of decency. Maging disente naman tayong mga tao. Tama na ’yan. Magnegosyo ka kung gusto mo, pero huwag kang magpu-pulitika,” mariing sabi ni Remulla sa gitna ng imbestigasyon sa ilang mambabatas na umano’y nakikisawsaw sa negosyo habang nakapuwesto.
Aniya, hindi lamang mga party-list ang nagko-contractor kundi maging ang mga district congressman.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, iniimbestigahan ngayon ang dalawang kongresista kaugnay ng kasong graft dahil sa umano’y pagkakaroon ng construction business habang nanunungkulan, sina Rep. Jojo Ang ng Uswag Ilonggo party-list at Rep. Noel Rivera ng Tarlac 3rd District.
Ani Clavano, lumalabag umano ang dalawa sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Dagdag pa ni Clavano, may walo pang contractors na kasalukuyang nakasalang sa imbestigasyon ng Ombudsman dahil sa pagkakasangkot sa kontrobersyal na flood control mess.
- Latest




















