Oplan Double Barrel ni Duterte, ideklarang ‘unconstitutional’

Hirit ng drug war victims sa SC
MANILA, Philippines — Dumulog kahapon sa Korte Suprema ang mga umano’y biktima ng war on drugs at mga komunidad na naapektuhan ng Oplan Double Barrel ng administrasyong Duterte upang hilingin na maideklarang labag sa Saligang Batas ang Command Memorandum Circular No. 16-2016 na naglunsad ng naturang kampanya laban sa ilegal na droga.
Naghain sila ng manifestation at urgent motion for resolution at umapela sa hukuman na mag-isyu ng writ of amparo at ideklarang ‘unconstitutional, invalid, illegal at unenforceable’ ang Oplan Double Barrel.
Giit ng mga petitioners, na sinamahan ng kanilang mga abogadong sina Attys. Gilbert Andres at Joel Butuyan, na hindi pa binabawi ang mga naturang issuances at maaari pang magamit ng mga pulis bilang legal na depensa sa kanilang mga operasyon.
“The unrevoked issuances can still be used by police officers as sources of dubious rules for their operations and invoke them as basis of legal defense in the event of fatality occurrences reminiscent of the drug war years,” anang petitioners.
“Kasi hindi po talaga, hindi po winithdraw iyong CMC-2016, inamyendahan lang ng CMC 1-2017 kaya pwede pa po itong gamitin ng mga kapulisan natin para po sa kanilang operasyon, kaya mahalaga talagang ideklarang labag sa batas, sa Saligang-Batas ang war on drugs para hindi na po ito maulit,” paliwanag ni Andres.
Kabilang sa mga respondents sa petisyon ay ang Philippine National Police (PNP) at kanilang dating hepe na si Sen. Ronald Dela Rosa, na kasalukuyang nagtatago dahil sa arrest warrant na inisyu laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).
- Latest





















