Grade 10 nahulihan ng baril sa Iloilo
MANILA, Philippines — Nagulantang ang mga guro at mga mag-aaral matapos na mahulihan ng baril ang isang Grade 10 student sa isang high school sa Barotac Nuevo, Iloilo nitong Martes.
Sa report ng Iloilo Provincial Police Office (IPPO), ang nasabing estudyante ay isang 15-anyos na lalaki na nakumpiskahan ng isang cal. 38 revolver na may anim na bala.
Ayon sa imbestigasyon, isang estudyante ang nagsabi sa kanilang guro na may dalang armas sa kaniyang bag ang Grade 10 na kaniyang kaeskuwela.
Agad namang ipinatawag sa guidance counselor ang nasabing estudyante sa pakikipagkoordinasyon sa Barotac Nuevo Municipal Police Station (MPS) na mabilis na nagpadala ng mga personnel sa nasabing paaralan. Nang inspeksiyunin ang bag ng estudyante, dito na bumulaga sa mga guro at mga pulis ang baril na dala nito.
Iniimbestigahan na ang estudyante kung saan nakuha ang baril, sino ang may-ari nito at bakit may dala siyang baril sa eskuwelahan.
Ikinatuwiran naman ng estudyante na pang-self defense niya ang baril na dala sa mga mambu-bully sa kanya sa kanilang paaralan.
- Latest






















