Pamilya-Baterbonia tumanggap ng P2.26 milyong condo unit mula NHA
MANILA, Philippines — Sa wakas, natupad na rin ang pangarap ng yumaong si Ateneo Blue Eagles student athlete Rene Clert “Bobet” Baterbonia matapos na pagkalooban ng National Housing Authority (NHA) ng P2.266 milyong halaga ng condominium unit ang kanyang naulilang pamilya, ayon sa pamahalaang panlalawigan ng Agusan del Sur.
Ginawaran ng NHA ang pamilya-Baterbonia ng bagong condo unit sa Davao City na inianunsyo rin ng Municipal Information Office ng Local Government Unit ng Talacogon sa kanilang Facebook account.
Ang nasabing condo unit sa Madayaw Residences ay matatagpuan sa kahabaan ng Sierra Madre Road sa Bangkay, Davao City.
Personal namang nilagdaan at tinanggap ng ina ni Baterbonia na si Gng. Rovelyn ang mga dokumento.
Inihayag ni Agusan del Sur Gov. Santiago Cane Jr. na kinontak siya ng NHA para sa pamilya Baterbonia at ipinabatid ang bagong condo unit para sa pamilya na matatanggap nila base sa direktiba at inaprubahan ni NHA Manager Joeben Tai.
Nabatid na kabilang sa pangarap ni Bobet, 18-anyos, ay ang mabigyan ng bagong bahay ang pamilya nito na nakatira sa isang flood-prone ancestral na bahay ng mga ito sa bayan ng Talacogon.
Si Baterbonia, MVP ng Ateneo de Davao na tubong Talacogon, Agusan del Sur ay isang student athlete na may malaking pangarap para maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya.
Ang labi ni Baterbonia ay inilibing na sa New Talacogon Cemetery sa kanilang bayan noong Hunyo 24 habang ang teammate na si Adili ay inilibing na sa Nigeria noong Biyernes. Ang dalawa ay kapwa nalunod matapos na tangayin ng malakas na alon sa kasagsagan ng team building ng Ateneo Blue Eagles sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
- Latest



















