Bonoan nakabalik na sa bansa – BI

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakabalik na ng bansa nitong Linggo ng umaga si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) secretary Manuel Bonoan.
Dumating si Bonoan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sakay ng China Airlines flight mula sa Taipei.
Solong bumiyahe pabalik si Bonoan, ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Ipinarating na rin ang impormasyon kay Acting Justice Secretary Fredderick Vida dahil kabilang siya sa Lookout Bulletin Order (LBO) sa kahilingan ng Department of Justice (DOJ) at direktibang bantayan ang mga pagbiyahe nito sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Umalis si Bonoan patungong Estados Unidos noong Nobyembre ng nakaraang taon upang samahan ang maybahay niya na sumailalim sa medical procedure doon.
Sinabi ng DOJ noong Huwebes na hindi nakabalik sa Pilipinas si Bonoan noong Disyembre 17, 2025, sa abisong may isyu pa sa kalusugan ang asawa.
Kabilang din siya sa inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na sampahan ng mga kasong kriminal at administratibo, bukod sa iba pang DPWH officials kaugnay sa iniimbestigahang P95-million flood control project sa Bocaue, Bulacan.
- Latest


















