Political rally ‘di pa pwede – DILG
MANILA, Philippines — Kasunod ng banta ng Omicron variant ng COVID-19, nagpaalala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año sa lahat ng partido politikal, organisasyon at kanilang mga tagasuporta, na ang mga political rallies ay ipinagbabawal pa rin.
“Bawal pa po ang mga political rally. Hindi pa po campaign period. We have been seeing candidates, both national and local, staging political rallies here and there which gather hundreds if not thousands of people. Hindi pa po tapos ang pandemya. Parating pa ang Omicron variant,” pahayag ni Año.
“We cannot put our guard down. The Omicron variant has already reached many countries and it’s only a matter of time before it reaches us,” paalala pa niya.
Umapela rin ang DILG chief sa mga kandidato, political parties, at kanilang mga tagasuporta sa buong bansa na huwag munang magdaos ng political rallies na makakahatak ng maraming bilang ng mga tao, dahil maaari aniyang maging super-spreader events ang mga ito, lalo na kung makukumpromiso ang Minimum Public Health Standards.
Tanging mga caravans at motorcades lamang ang may green light o pinapayagan dahil mayroon itong physical distancing.
Magsisimula ang official campaign period sa Pebrero 8, 2022 para sa national posts at Marso 25, 2022 sa local elective positions. Ang national and local elections sa bansa ay nakatakdang idaos sa Mayo 9, 2022.
- Latest