^

Bansa

Duterte: Nasa sabungan, inuman walang matatanggap na ayuda habang ECQ

James Relativo - Philstar.com
Duterte: Nasa sabungan, inuman walang matatanggap na ayuda habang ECQ
Litrato ni Pangulong Rodrigo (kaliwa) habang nagtatalumpati kagabi at ilang manok (kanan) na nakumpiska sa sabungan ilang araw na ang nakalilipas.
Presidential Photo/Karl Norman Alonzo; Mula sa Twitter ni Rex Gatchalian

MANILA, Philippines — Walang aasahan na tulong pinansyal at pagkain mula sa gobyerno ang mga tuloy sa pagtagay at pagtaya sa tupada habang may enhanced community quarantine (ECQ) ang buong Luzon, ani Pangulong Rodrigo Duterte. 

Sa kanyang talumpati kagabi, sinabi ni Digong na ipaiimbestiga niya sa Department of the Interior and Local Government kung sino ang mga manginginom at nagsasabong sa ngayon para 'di masama sa social amelioration proram (SAP) ng gobyerno.

"Alam mo sa totoo lang ‘yung kayong nagsasabong pati nag-inuman, ibig sabihin may pera kayo," wika ni Duterte.

"Do not expect any help from me. Sabihin ko talaga: you know wala, sorry na lang. May pera pala kayo pangsabong, may pera pala kayo pang-inom eh ‘di ibigay ko na lang [sa mahirap]."

Naglaan kasi ng P200 bilyon ang Department of Budget and Management bilang cash assistance sa mahihirap na pamilyang apektado ng lockdown habang suspendido ang mga trabaho't pampublikong transportasyon.

Una nang sinabi ng national government na uunahin muna nilang bigyan ng SAP ang mahihirap sa dahilang 'di pa kaya bigyan ang mga middle class na may pera kahit papaano.

"There’s not enough to go around. Hindi talaga magkasya. We are getting low sa supply ng pagkain na. Ilang araw na ‘yan buong Pilipinas pinapakain mo, 18 million families. Sa isang pamilya ilagay mo na lang apat, lima. Eh ilang bunganga ‘yan," banggit pa ng kontrobersiyal na pangulo.

Kasalukuyang nagpapatupad ng kanya-kanyang liquor ban ang mga LGU sa ngayon habang lockdown. 

Ipinagbabawal naman ang pagtitipon ng maraming tao sa ngayon dahil sa labag ito sa social distancing, na kailangan upang hindi magkahawaan ng sakit.

Kaugnay niyan, pinag-aaresto ang ilang mga nasa sabungan sa ngayon. Ang ilang manok na nahuhuli sa mga tupada, ipinaadobo na ng mga lokal na gobyerno.

"[K]ung ayaw talaga ninyong maniwala, nagmamatigas ang ulo ninyo at kulang ‘yung disiplina, aba eh talagang hindi ito mahihinto kasi every time magdidikit kayo… Eh nakita ko nagsasabong kayo, may painom pa," sabi pa ni Duterte.

Ayuda sa 'may pera'

Sa kabila ng pagpalag ni Duterte sa pagbibigay ng ayuda sa mga medyo mas nakaluluwag sa buhay, nagpanukala naman kamakailan si Albay Rep. Joey Salceda ng P53 bilyong subsidyo para sa mga residenteng nasa "middle income group," na lubhang apektado pa rin daw ng lockdown.

Kung maisasabatas, makikinabang dito ang 5.98 milyong manggagawa, may-ari ng maliliit na negosyo at freelancers na maisasama sa panggitnang uri.

"Sadyang mahalaga ito dahil layunin ng administrasyon na patibayin ang ‘middle class’ na siyang pangunahing nagsusulong ng masiglang ekonomiya," ani Salceda.

Gayon din ang hiling ni Cavite Gov. Jonvic Remulla, lalo na't nasasaid na rin daw ang naitabing pera ng kanyang mga nasasakupan simula nang ipatupad ang lockdown.

Ayon naman kay Cabinet Secreary Karlo Nograles, hindi na raw kakailanganin ng panibagong batas para tulungan ang mga middle class sa panahon ng krisis. Aniya, sapat na raw ang kapangyarihan ni Digong dahil sa kapapasa lang ng Bayanihan Law.

"A new law is not needed. I think perusing through the law, the Bayanihan To Heal As One Act, I think it’s extensive enough to cover or look for a solution to this problem," ani Nograles.

Ika-14 lang din ng Abril nang ipagtibay ni Duterte ang Small Business Relief Program, bilang tulong sa 1.6 milyong maliliit na negosyo at kanilang 3.4 milyong empleyado na apektado ng quarantine, bagay na sasakop daw sa middle class workers sabi ni Nograles.

vuukle comment

ALCOHOL

CASH AID

COCKFIGHTING

LIQUOR

LOCKDOWN

RODRIGO DUTERTE

SOCIAL AMELIORATION PROGRAM

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with