Quarantine hotel sa China gumuho, 10 patay

MANILA, Philippines — Sampu katao ang patay matapos na bumagsak ang isang hotel na ginagamit na quarantine facility para sa mga may sakit na coronavirus sa Quanzhou, China.
Una nang iniulat ng Chinese officials na nasa 71 katao ang umano’y na-trap matapos na bumigay ang limang palapag na Xinjia Hotel.
Nasa 43 katao na ang na-rescue mula sa gumuhong gusali habang lima ang nasa kritikal na kondisyon at may 23 pa ang umano’y na-trap.
Lumalabas sa ulat ng Agence France-presse na, nakapagtala na ang coastal city ng Quanzhou ng 47 kaso ng COVID-19 at ang Xinjia hotel ang ginagawang lagayan ng mga taong may contact sa mga kumpirmadong pasyente.
Ang unang palapag ng nasabing gusali ay sumasailalim sa renovation bago pa ang Lunar New Year at isang construction worker ang tumawag umano sa may-ari nito ilang oras bago gumuho dahil sa deformed ang haligi nito.
Segundo lamang umano ang bilis ng pagguho ng Xinjia hotel.
- Latest






















