Ampatuan lumapit din kay Panelo
MANILA, Philippines – Bukod sa pamilya ni dating Calauan mayor Antonio Sanchez ay dumalaw din at humingi ng assistance sa tanggapan ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesman Salvador Panelo ang pamilya Ampatuan.
Inamin ni Panelo na nagtungo rin sa kanyang tanggapan noong Agosto 13 ang ina ng isa sa mga suspek sa Maguindanao massacre upang humingi ng tulong para makausap si Pangulong Duterte.
Batay sa record ng logbook sa New Executive building ay naging bisita ng tanggapan ni Panelo si Bai Soraida Ampatuan na ina ni Datu Saudi Ampatuan Jr., suspek sa Maguindanao massacre case.
Wika ni Panelo, ang tanging naging payo niya sa pamilya ay pasukuin na lamang si Datu Saudi at harapin ang kanyang kaso dahil nasa korte na ito.
Unang lumiham ang pamilya ni Datu Saudi sa tanggapan ng Pangulo at ipinadala naman sa kanyang tanggapan.
Nauna rito, inamin din ni Panelo na humingi ng tulong sa kanyang tanggapan ang pamilya Sanchez at ini-refer lamang niya ang sulat nito sa Bureau of Pardons and Parole.
- Latest