Cayetano nahalal na Speaker
MANILA, Philippines — Naihalal na nga bilang bago at ika-22 Speaker ng 18th Congress si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.
Dakong alas-10:00 ng umaga nang magbukas ang sesyon ng 18th Congress kung saan present ang may 297 na kongresista kaya kaagad silang nagbotohan para sa bagong House Speaker.
Mismong sina Davao Rep. Paolo Duterte, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at Leyte Rep. Martin Romualdez ang nag-nominate kay Cayetano habang si Ambis-Owwa Rep. Sharon Garin naman ang nag- nominate kay Manila 6th district Rep. Benny Abante para sa posisyon na maging speaker.
Sa botong 266, naihalal na Speaker si Cayetano habang 28 na boto naman ang nakuha ng kanyang katunggali na si Abante na awtomatikong magiging minority leader.
Nag-abstain naman sa nasabing botohan sina Buhay Rep. Lito Atienza at Magdalo Rep. Manuel Cabochan habang no vote naman si Albay Rep. Edcel Lagman.
Ngayong 18th Congress, mayroong 304 members ang House of Representatives at 114 dito ay pawang mga neophyte o bagitong kongresista.
Bago naman pumanhik sa rostrum para manumpa ay pinangunahan ni CIBAC Rep. Eddie Villanueva na ipanalangin si Cayetano habang nakaluhod kasama ang mga miyembro ng Kamara.
Matapos nito ay pinangunahan naman ni Cayetano ang mass oath taking para sa mga bagong kongresista ng 18th Congress.
- Latest