Deputy Ombudsman Carandang sinibak!

MANILA, Philippines — Sinibak na ng Malacañang bilang Overall Deputy Ombudsman si Melchor Arthur Carandang.
Kinumpirma ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagsabing nagpasiya na ang Palasyo na tuluyang alisin sa serbisyo si Carandang matapos ibasura ang inihain niyang motion for reconsideration sa Office of the President (OP).
Ayon sa source, natanggap na ni Carandang nitong Huwebes ang OP ruling na may lagda ni Executive Sec. Salvador Medialdea.
Nabigo si Carandang na magprisinta ng bagong argumento para mabaliktad ang naging kautusan na matanggal siya sa serbisyo kaugnay sa mga kasong betrayal of trust at graft and corruption noong Hulyo ng nakaraang taon.
Dahil dito ay inaasahang maideklara nang bakante ang ikalawa sa pinakamataas na pwesto sa Office of the Ombudsman.
Sa ilalim ng Rules of Court, ang kautusan ng Malacañang ay maari pa namang iapela sa Korte Suprema o Court of Appeals.
Nag-ugat umano ang pagkasibak kay Carandang sa inihaing mga kasong administratibo laban sa kaniya ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Manuelito Luna at Atty. Eligio Mallari dahil sa paglalahad niya sa media na si Pangulong Duterte ay may ill-gotten wealth.
Gayundin ang mga reklamong inihain laban kay Carandang nina Atty. Jacinto Paras at Glenn Chong.
Itinanggi naman noon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang sinabi ni Carandang na sa kanila nakuha ang dokumento hinggil sa tagong yaman ni Duterte.
Una nang sinuspinde ng 90-araw ni Pang. Duterte si Carandang habang iniimbestigahan ang nasabing isyu subalit kinontra ito ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, na nagsabing may naging ruling ang Korte Suprema noong 2014 na nagsasabing walang kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na patawan ng disiplina ang isang opisyal mula sa constitutional body tulad ng Ombudsman.
- Latest























