No pressure kay Judge Soriano - DOJ
MANILA, Philippines — Mariing pinabulaanan ng Department of Justice (DOJ) ang alegasyon ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano na nakakaranas daw ng pressure si Judge Andres Soriano ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 mula sa gobyerno kaugnay sa usapin patungkol kay Sen. Antonio Trillanes IV.
Sa isang statement, binigyan diin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi nakikipag-interact ang DOJ kay Soriano maliban na lamang sa mga pleadings na inihain at argumentong pinag-uusapan sa loob ng korte.
Ang alegasyon daw na ito ni Alejano ay tila humahadlang sa “orderly administration of justice” at nakakadungis din sa integridad at professionalism ng DOJ at mga state prosecutors nito.
Ani Guevarra, malaya si Alejano na sabihin at gawin ang anuman hanggang tapat sila na hindi nila hinarass o tinakot si Soriano upang panigan sila at idiin si Trillanes.
Tinukoy din ng kalihim na ang mga patutsada sa kanilang panig ay pawang “unfair” at ang kampo raw ni Trillanes ay sinusubukang impluwensyahan ang decision-making ni Soriano.
Umaasa naman si Trillanes na gagawin ng hukom ng Makati-RTC 148 ang tamang desisyon sa paghawak sa kanyang binubuhay na kasong kudeta.
Ang RTC branch 148 ang dumidinig sa motion ng DOJ para maglabas ng warrant of arrest at hold departure order laban kay Trillanes kaugnay sa kasong kudeta matapos balewalain ng Proclamation 152 ang ibinigay na amnesty dito.
Inaasahang maglalabas ng resolusyon si Judge Soriano matapos ang pagdinig ng kaso nitong nakaraang linggo.
Related video:
- Latest