Pinas nahalal sa UN Human Rights Council
MANILA, Philippines — Nahalal ang Pilipinas bilang bagong miyembro ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa kabila ng matinding pagkontra mula sa international human rights group.
Nakakuha ang Pilipinas ng 165 votes mula sa 192 boto ng mga member-states, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Isinagawa ang halalan sa head office ng UN sa New York kung saan pinangunahan ni UN Permanent Representative at incoming DFA Sec. Teodoro “Teddyboy” Locsin Jr. ang delegasyon ng bansa.
Dahil dito, ang Pilipinas ay magsisilbi ng panibagong 3-year term sa UN Council.
Kasama ng Pilipinas na nahalal ang Bahrain, Cameroon, Somalia, Bangladesh at Eritrea.
Una nang tinutulan ng New York-based Human Rights Watch na hindi dapat mabigyan ng “upuan” sa UN Council ang Pilipinas at Eritrea dahil umano sa human rights records ng mga ito.
Sinabi naman ni bagong Presidential Spokesman Salvador Panelo na ipinapakita rito na kinikilala ang Pilipinas bilang bansang kumikilala at gumagalang ng mga karapatang pantao.
Binigyang-diin din ni Panelo ang naging pahayag ni UN Secretary-General António Guterres na ang iligal na droga ay pandaigdigang problema na nagpapatunay umanong tama ang ginagawa ni Pangulong Duterte na anti-drug war.
- Latest