Subject na Science inalis sa K-12

MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ng magkapatid na Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Sen. Pia Cayetano ang ginawang pagtanggal ng subject na Science sa Grade 1 to 3 sa K-12 program ng Department of Education (DepEd) na nakatakdang simulan sa darating na pasukan.

Nais ng magkapatid na Cayetano na imbestigahan ng Senate Committee on Education, Culture and Arts ang bagong curriculum ng DepEd at kung ano ang magiging implikasyon sa mga mag-aaral sa ginawang pagtanggal sa Science subject.

 Naniniwala sina Cayetano na mahalaga ang Science sa paghubog ng analytical thinking ng mga bata at hindi ito dapat ihalo na lamang sa subject na English.

Lalo umanong hihina ang global competitiveness ng mga mamamayan pagdating sa Science kung hindi ito uumpisahang ituro agad sa mga bata.             

Ipinunto pa ng magkapatid na sa 2011-2012 Global Competitiveness Report ng World Economic Forum (WEF), ang Pilipinas ay pang-115 sa kalidad ng edukasyon sa Science at Mathematics, at pang-110 naman sa kalidad ng primary education, mula sa kabuuang 142 bansa.

Nangangamba sila na lalong babagsak ang puwesto ng Pilipinas sa Global Competitivess pagdating sa Science subject sa bagong curriculum ng DepEd.

Show comments