Milyong dolyar hingi ng Sayyaf sa bihag na Aussie

MANILA, Philippines - Humingi na ng milyong halaga ng dolyar bilang ransom ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG)  kapalit ng kalayaan ng retiradong sundalong Australian na kanilang dinukot sa Basilan.

Ayon sa sources sa AFP, nakipagkomunikasyon na sa pamamagitan ng kanilang mga emisaryo ang grupo ni Abu Commander Furuji Indama sa Australian Embassy sa Manila at ipinarating ang kanilang ransom demand na tumanggi nitong tukuyin ang eksaktong halaga.

Hawak na umano ng grupo ni Indama ang bihag na si Warren Rodwell, 53, matapos na ipasa dito ng grupo ni MILF rogue element Commander Barahama Ali. Si Rodwell ay kasal sa isang Pinay.

Si Rodwell ay dinukot ng mga armadong lalaki sa Green Meadows subd. sa Upper Pangi, Ipil, Zamboanga Sibugay noong Disyembre 5 kung saan dinala at ipinasa ito ng mga kidnapper sa grupo ni Indama.

Ang grupo ni Indama ay sangkot sa pamumugot ng ulo ng 10 sa 14 tauhan ng Philippine Marines na napatay ng mga ito sa ambush sa Brgy. Guinanta, Al Barkha, Basilan noong Hulyo 2007.

Show comments