Sindikatong nagbebenta ng Phl passport sa mga dayuhan, lansag
MANILA, Philippines - Nalansag ng Bureau of Immigration (BI) ang isang sindikatong gumagawa at nagbebenta ng Philippine passport sa mga dayuhan sa bansa matapos na maaresto ang isang miyembro nito na nagtangkang gamitin ang nasabing pasaporte palabas ng Pilipinas.
Nasakote sa NAIA Terminal 3 ang suspek na si Wang Jiandong habang pasakay ng Cebu Pacific flight patungong Hong Kong noong Hulyo 21.
Ayon kay BI Commissioner Ricardo David Jr., nagpanggap na isang Tony Sia Ong si Wang sa Philippine passport na ginamit nito palabas ng Pilipinas. Dahil hindi marunong mag-Tagalog, nagduda ang mga tauhan ng kawanihan at umamin ang akusado na isa siyang Chinese.Kumanta rin ang dayuhan na nakuha niya ang pasaporte sa kababayang nasa HK kapalit ng $US6,000. Nakapagbayad na umano si Wang ng $US4,000 at ang balanseng $US2,000 ay babayaran nito pagdating sa HK gamit ang pekeng pasaporte.
Bukod kay Wang, naaresto rin ang isa pang Chinese na si Ching Sum Yip sa isinagawang entrapment sa isang hotel sa Pasay City.
- Latest
- Trending






















