OFW inutas sa Saudi!

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit ng isang Pinay domestic helper matapos na tadtarin ng saksak at lasunin ng hindi pa kilalang suspek sa Saudi Arabia.

Kinilala lang sa pa­ngalang “Jovelyn” ang OFW na isinugod sa King Fahad Hospital sa Dammam, Saudi Arabia noong Set­yembre 8.

Sinabi ni John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-Middle East mula sa Migrante-Al Khobar, hindi pa nila ihahayag ang pangalan ng biktima hanggang hindi naipapaalam sa mga kaanak nito sa Pilipinas.

Sa paunang pagsisiyasat, ang biktima ay dinala sa nasabing ospital ng isang Saudi national dakong alas-10 ng gabi noong Lunes subalit makaraan ang ilang minuto ay idineklarang patay ng mga doktor.

Nagtamo ng maraming tama ng saksak sa ibat ibang parte ng kanyang katawan ang Pinay habang may nakalalasong asido sa kanyang bibig.

Hiniling na ng Migrante-ME sa Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia na magsagawa ng hiwalay at malalimang imbestigasyon hinggil sa brutal na pagkasawi ng nasabing OFW at agarang makipag-koordinasyon sa Saudi local authorities.

Show comments