Pinoy todas sa gulpi sa Saipan

MANILA, Philippines - Isang 37-anyos na Pinoy ang nasawi matapos na ma-comatose ng tatlong araw nang atakihin at pagpapaluin umano ng isang lalaki sa Saipan.

Sa ulat na nakarating sa Philippine Consulate sa Saipan, ang biktima ay kinilalang si Larry Gonzales, tubong Oriental Mindoro.

Base sa report, si Gonzales ay inatake at pinagpapalo ng matigas na bagay sa ulo ng suspek na nakilalang si Shane Jonathan Hocog, 22, na ngayon ay nasa kustodya ng Department of Corrections. Ang insidente ay naganap noong Marso 1 malapit sa Kagman High School sa Kagman, Saipan.

Nasawi si Gonzales noong Huwebes matapos na ma-comatose at maratay sa ospital ng tatlong araw dahil sa matinding pinsala sa ulo kung saan naapektuhan ang utak nito bunga ng “blunt trauma”.

Humingi na ng tulong ang mga kaibigan ng nasabing Pinoy sa Filipino community sa Saipan para sa agarang pagpapauwi sa mga labi ng biktima.

Nakikipag-ugnayan na ang Konsulado sa federal authorities para sa kaso ng nasabing Pinoy upang ma­ti­yak na mabibigyan ng hustisya ang biktima. (Ellen Fernando)

Show comments