Super bagyo uli!

MANILA, Philippines - Nagbabala na ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services (PagAsa) sa isa pang “super bagyo” na ina­asahan umanong papasok bukas sa bansa.

Nabatid mula sa US National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA), ang bagyo na may international name na Tropical Storm 22W ay huling na­mataan sa layong 144 kilo­metro ng timog-timog-kanlu­ran ng Guam taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 205 kilometro bawat oras.

Gayunman, sinabi ni Na­thaniel Cruz, Weather Chief Bureau ng PagAsa na bagaman malayo pa ang bagyo at wala pa sa bisi­ni­dad ng area of res­pon­sibility ng Pilipinas, ina­asahan na lalung lalakas at bibilis ito sa susunod na 24 oras.

Bunsod nito, sinabi ni PagAsa Director Prisco Nilo na kailangang pag­han­­daan ng bawat mama­ma­yan ang pagdating ng naturang super bagyo na pinanga­lanang “Ramil” dahil may po­sibilidad umano itong ma­tulad kay bagyong Ondoy o Pepeng.

Bukod kay Ramil, apat pang bagyo ang inaasa­hang tatama sa bansa hanggang sa pagtatapos ng Disyembre ng taong ito. May 18 bagyo na ang pu­masok sa bansa na ang pinakahuli ay si Pepeng.

Kahapon ng umaga, isa pang sama ng panahon ang patuloy na binaban­tayan ng PagAsa dahil ito ay nasa may 290 kilometro hilaga hilagang kanluran ng Puerto Princesa at patuloy na nakakaapekto sa Luzon at Visayas area. Ang mga lugar na ito ay patuloy na makakaranas ng maulap na kalangitan na may paminsan-min­sang pag-uulan.

Samantala inaasahan na ang pagdating sa bansa ng Doppler radar na ilala­gay sa Subic, Zamba­les upang magamit sa pagtan­tiya ng ulan at bugso ng hangin sa Metro Manila.

Tanging ang Baler, Quezon; Aparri, Cagayan; Virac, Catanduanes at Guia, Eastern Samar ang mayroon ng naturang radar dahilan sa ito anya ang mga palagiang lugar na dinadaanan ng bagyo.

Noong bagyong Ondoy, hindi nasukat ng PagAsa ang dami ng ulan sa Metro Manila dahil wala silang radar para rito.

Show comments