Bedol guilty sa contempt!

Hinatulan ng parusang guilty dahil sa kasong indirect contempt ng Commission on Election (Comelec) en banc ang kontrobersyal na si Election Supervisor Lintang Bedol.

Sa desisyon, anim na buwan pagkakakulong sa Manila City Jail ang ipina­taw kay Bedol kung saan pinagbabayad din ito ng P1,000 multa.

Gayunman, hindi na­ipa­tupad ang aktuwal na pag-aresto kahapon at pagdala kay Bedol sa MCJ matapos itong magpiyansa ng P15,000.

At habang inaapela pa ang kaso ay ipipiit muna si Bedol sa opisina ng law department ng komisyon. 

Dakong alas-10 ng umaga ng humarap si Be­dol sa Comelec en banc kasama ang kanyang abo­gado na si Andrei Bon Tagum. Kalmado ito ha­bang binabasa ang hatol na guilty na may kinalaman sa sunud-sunod na pag­suway nito sa mga subpoena ng Comelec, pag­kawala ng mga municipal certificate of canvass (COCs), paghamon sa Comelec na kasuhan siya at pagdi-display sa media ng kanyang baril.

Ayon kay Bedol, hindi siya natatakot hinggil sa naging hatol sa kanya dahil hindi naman anya death sentence ang parusa sa kanya. Wika niya, normal lamang ang pagpapataw ng parusa sa sinumang Comelec official na nagka­sala. Sa katunayan anya ay mas nakaramdam pa siya ng kaba nang isailalim siya sa operasyon dahil sa kanyang katarata.

Ayon naman sa Comelec, sa hatol kay Bedol ay naipakita nito sa bayan na seryoso ito sa pagdisiplina sa kanilang mga tauhan.

Samantala, sinabi na­man ni  Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director Armando Llamasares na inatasan na niya si Jailwarden Sr. Supt. Renta Gacutan na idaan sa ordinaryong proseso si Bedol at hindi  dapat bigyan ng anumang VIP treatment.

Aniya, isang ordinar­yong preso si Bedol sa MCJ kung saan makaka­sama nito ang mga preso na walang tatak o grupo.

Mayroon lamang li­mang araw si Bedol upang maghain ng kanilang  motion for reconsideration.

Dismayado naman ang mga mambabatas sa anim na buwang hatol na ipina­taw kay Bedol.

Ayon kina Sens. Panfilo Lacson at Aquilino Pimen­tel, sa laki ng kasalanan ni Be­dol, kulang ang 6 months parusa.

Dapat anilang sinentro ang imbestigasyon sa isyung bakit nawala at paano nawala ang mga dokumento na dapat ipri­sinta niya, sa halip na pagtuunan ng pansin ang hindi pagsipot ni Bedol sa mga patawag ng Comelec.

Hindi anya contempt o pang-iisnab kundi dayaan ang tunay na isyu laban kay Bedol. 

Kumbinsido ang mga mambabatas na hindi umano makakakuha ng hustisya ang mga biktima ng dayaan sa Comelec.

Show comments