Utol ni Dodot ipapatawag ng Task Force Innova

Nakatutok umano ngayon ang mga imbestigador ng "Task Force Innova" sa kapatid ni Pasig Rep. Roberto "Dodot" Jaworski na nagmaneho ng sasakyan ng kongresista bago sumabog habang binabagtas ang kahabaan ng C-5.

Ayon sa source sa Task Force, ipapatawag din nila si Ryan Jaworski upang isailalim sa imbestigasyon sa pagsabog ng Toyota Innova ng kongresista gayundin ay pag-aaralan ang mga naging record ni Ryan sa mga istasyon ng pulisya matapos itong makailang ulit masangkot sa mga kontrobersiya, kabilang na ang insidente ng barilan.

Batay sa record ng Firearms and Explosive Division (FED) sa Camp Crame, 11 uri ng baril ang nakarehistro sa pangalan ni Ryan.

Binigyang-diin ng Task Force na bukod kay Ryan, ikinukunsidera ring suspect ang mga taong nakaalitan ng kongresista, kabilang na ang mga pinaghihinalaang sangkot sa illegal drug syndicate.

"Nakapagtataka rin kung bakit sa Toyota Innova sumakay si Dodot gayong Expedition ang kanyang regular na ginagamit," sabi pa ng source.

Nagkakaproblema rin ang mga imbestigador sa tunay na anggulo kung saan nakasakay si Cong. Jaworski dahil bukod kay Ryan at mga security, walang makapagsasabi kung sa Toyota Innova nga sumakay ang kongresista. (Edwin Balasa)

Show comments