Pagharap sa Kongreso ng government officials, limitado na

Dahil sa pagharap ng dalawang opisyal ng Philippine Marines sa ginanap na pagdinig sa Senado, isang kautusan ang ipinalabas ng Palasyo kahapon na naglilimita sa mga opisyal ng sangay ng ehekutibo kabilang na ang militar at pulisya na humarap sa anumang imbestigasyon ng Kongreso.

Sa ilalim ng Executive Order No. 464, mahigpit na itinatagubilin ng Presidente ang prinsipyo ng magkahiwalay na poder at kapangyarihan ng Sangay ng Ehekutibo at Lehislatibo kung kaya’t kailangang irespeto ang karapatan ng mga opisyal na humaharap sa pagsisiyasat sa Kongreso.

Sa pamamagitan ng EO 464, ang pagharap ng mga opisyal ng pamahalaan na iniimbitahang humarap sa imbestigasyon ay kailangang humingi muna ng permiso ng Presidente at ang pagharap nila ay kailangang gawin sa executive session at hindi isasapubliko.

Iginiit ng Pangulo na kailangang iwasang magamit sa pamumulitika ang mga pagsisiyasat ng Kongreso, makakaapekto sa relasyong diplomatiko ng bansa at makapanghina sa katatagan ng pamahalaan na makapaglagay sa alanganing sitwasyon sa pang-aakit ng puhunan sa bansa. (Lilia Tolentino)

Show comments