Sa halip na wiretapping, House hearing nasentro sa relasyon ni Doble at gf

Kinuwestiyon ng ilang solon ang ginawang pagtatanong kina T/Sgt. Vidal Doble at isa sa mga "girlfriend’ nito na si Marieta Santos dahil nauwi ang House hearing sa kanilang relasyon gayong ang iniimbestigahan ng Kamara ay ang wiretapping.

Nagkontrahan kahapon sa pagdinig sina Doble at Marieta kung saan pinabulaanan ng huli ang mga naunang pahayag ng una na tinakot sila ni dating NBI deputy director Samuel Ong kaya napilitan silang magtungo sa San Carlos Seminary sa Makati noong kasagsagan ng isyu ng "Hello Garci" tape.

Sinabi ni Marieta na kusang-loob silang nagpunta sa seminary at ipinakilala pa siyang misis kay Bishop Ted Bacani dahil umiiwas sila sa mga ahente ng ISAP na naghahanap sa kanila. Pero nanindigan si Doble na tinakot sila ni Ong kaya sila nagpunta sa seminaryo.

Sinabi naman ni Doble na hindi niya alam kung bakit siya binigyan ng P2 milyon ni Ong na nanggaling umano kay Laarnie Enriquez. Pero sinabi ni Marieta na kaya sila binigyan ng P2 milyon ay dahil sa naturang tape.

Binasa pa ni Marieta sa pagdinig ang mga text message sa kanya ni Doble kung saan nagpapahiwatig ito ng pagmamahal sa babae. Isa sa mga text ni Doble ay "kahit na anong mangyari, tayo pa ring dalawa."(Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments