Nawasak ang kalahati ng 99 talampakang taas na rebulto at sabog ang noo, mga mata, tenga at ilong nito.
Ayon kay Cordillera Police public information spokesman Supt. Elpidio Gabriel, naganap ang pagsabog dakong 1:40 ng madaling araw matapos taniman ng mga dinamita ang naturang istatwa. Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente.
Bagaman tumanggi si Gabriel na iugnay ito sa rebeldeng grupo ng New Peoples Army (NPA), malakas ang hinala na ang naganap na pagpasabog ay gawa ng maka-kaliwang hanay bilang post-anniversary attack nila sa "simbolo ng diktadurya" at upang ipahiya ang administrasyong Arroyo.
Kung matatandaan, sinabi ni CPP-NPA spokesman Gregorio "Ka Roger" Rosal na si Pangulong Arroyo, na nasa Baguio City kasama ang First Family ng maganap ang insidente, ay walang pinag-iba kay Marcos. Ang record umano ng human rights abuses sa ilalim ng Arroyo government ay lumagpas pa sa 20-taong record ni Marcos.
Ang rebulto na nasa kahabaan ng Marcos Highway ay itinayo ng Philippine Tourism Authority (PTA) noong 1970s. Naging kontrobersiyal ito dahil napaalis ang mga katutubong Ibaloi na nakatira sa nasabing lugar upang bigyang daan ang konstruksiyon ng Marcos statue, isang gusali ng PTA at isang mini-golf course na hilig ni Marcos.
Ayon sa mga Ibaloi, kinamkam ng PTA ang lupain, pero noong nakaraang taon, inutusan ng Benguet RTC judge ang PTA na ibalik ang mga lupa sa mga Ibaloi.
Ayon naman kay Pablito Sanidad, chairperson ng Free Legal Assistance Group (FLAG), maraming grupo ang nagbabalak na pasabugin ang rebulto magmula ng mapatalsik ang rehimeng Marcos noong 1986 pero wala ni isa ang nangahas na isagawa ito.(Ulat ni Artemio Dumlao)