Barangay officials ginagamit lang ng mga pulitiko sa recall elections

Aalisan ng karapatan ang mga barangay officials na ginagamit sa pamumulitika para sa paghingi ng recall elections sa mga nakaluklok na alkalde,ayon kay Senator Aquilino Pimentel Jr.

Sinabi ni Pimentel,may akda ng Local Government Code (LGC) ang paghiling ng recall elections sa pamamagitan ng Preparatory Recall Assembly (PRA) na isinasagawa ng mga barangay chairmen at councilmen ay nagagamit ng ilang pulitiko para alisin sa puwesto ang kalaban nilang alkalde.

Iginiit ni Pimentel, sa halip na PRA ang dapat maging mekanismo sa pagpapatawag ng recall elections ay mismong taumbayan o mga botante sa lugar ang magdedesisyon tungkol dito.

Ito ay kabilang sa 152 na isinusulong ni Pimentel na nakapaloob sa inihain nitong senate bill 826 para maamyendahan ang LGC.

"Dahil ang nagluklok sa isang alkalde ay ang mga residente o botante at sila din dapat ang humiling ng recall elections laban dito at hindi barangay officials na nagagamit lang ng ilang pulitiko na kalaban ng nagwaging alkalde" wika ni Pimentel.

Sinabi ni Pimentel na ang pagkakaroon ng PRA provisions sa LGC ay ipinasok lamang ni dating Zamboanga Rep. Wilfredo Cainglet sa kanyang orihinal na draft ng batas hanggang sa mapilitan lamang siyang tanggapin ang amyendang ito.

Sa kasalukuyan ay mayroong recall movement laban kay Taguig Mayor Sigfredo Tinga na umano’y pinamumunuan ni Rep. Allan Peter Cayetano. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments