^

Nida may utang sa Velarde account?

() - June 26, 2002 - 12:00am
Iimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ang kaugnayan ng Jose Velarde account sa karumal-dumal na pagpaslang sa aktres na si Nida Blanca.

Ayon sa isang mataas na opisyal ng DOJ na ayaw magpabanggit ng pangalan, nais umano nilang matukoy ang anumang kaugnayan ng Jose Velarde bank account sa kontrobersiyal na pagkamatay ng aktres.

Posible umanong ang Jose Velarde account ang siyang pinagkunan ng pondo ng aktres makaraang mapaulat na nangutang ito ng milyong pisong halaga ng pera sa isang sikat na personalidad.

Matatandaan na nailathala kamakailan na mismong si Justice Secretary Hernando Perez ang umamin na isang dating opisyal ng pamahalaan ang tinutugaygayan ngayon ng NBI makaraang iturong sangkot sa pagpatay kay Blanca.

Ang kalaguyo umano at anak ng nasabing opisyal ang siyang sangkot sa krimen dahil sa utang na ipinahiram umano ng naturang government official sa aktres.

Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat ng NBI na nangutang umano ng pera si Blanca sa naturang opisyal dahil sa pagkakawili ng aktres na maglaro sa casino, subalit nawala na sa puwesto ang naturang opisyal at hindi pa rin umano nababayaran ni Blanca ang kanyang pagkakautang.

Dahil dito, hinihinala ng NBI na ang anak at kalaguyo ng naturang pulitiko ang posibleng nagpapatay sa beteranang aktres.

Sa kabila nito, sinabi rin ng impormante na hindi pa rin absuwelto sa krimen si Rod Lauren Strunk, mister ni Nida dahil sa nalalaman umano nito ang lahat ng salapi at lahat ng pagkakautang ng huli.

Kaugnay nito, personal na nagtungo naman kahapon kay Perez si dating Sandiganbayan Justice Harriet Demetriou, abugado ni Kaye Torres, para hilingin na bilisan ang imbestigasyon sa naturang kaso.

Lumiham si Demetriou kay NBI Director Reynaldo Wycoco dahil sa kabagalan umano ng naturang ahensiya para resolbahin ang pagpaslang kay Blanca.

Tiniyak naman ni Perez na ipapalabas na ni Wycoco ang resulta ng imbestigasyon sa lalong madaling panahon. Kapag mabigat na anya ang kanilang hawak na ebidensiya ay papangalanan na nila ang mga utak sa karumal-dumal na pagpatay sa premyadang aktres.(Ulat nina Gemma Amargo at Andi Garcia)

AKTRES ANDI GARCIA DEPARTMENT OF JUSTICE DIRECTOR REYNALDO WYCOCO GEMMA AMARGO JOSE VELARDE JUSTICE SECRETARY HERNANDO PEREZ KAYE TORRES NATIONAL BUREAU OF INVESTIGATION NIDA BLANCA
  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with