ICC rules sa Duterte trial inilatag

MANILA, Philippines — Naglatag ang International Criminal Court (ICC) ng panuntunan na susundin sa pagdinig sa kasong crimes against humanity ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Nobyembre 30, 2026, bubuksan ang paglilitis kung saan babasahin ang mga kaso laban kay Duterte. Bago ito, inatasan ang prosekusyon na magsumite ng detalyadong trial brief sa Agosto 31, kasama ang listahan ng mga ebidensya at mahigit 60–70 testigo, kabilang ang 31 insider witnesses. Ang mga kinatawan ng biktima o Common Legal Representatives of the Victims (CLRV) ay may hanggang Setyembre 28 para magsumite ng sarili nilang brief, habang ang depensa ay may hanggang Oktubre 30 upang ilahad ang kanilang mga argumento.
Sa pagbubukas ng paglilitis, unang magbibigay ng pahayag ang prosekusyon (6 na oras), susundan ng CLRV (3 oras), at pagkatapos ay ang depensa. Ang paglilitis ay tatakbo sa tatlong yugto: presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon, ng mga biktima (kung papayagan), at ng depensa. Ang mga ebidensya—dokumento, digital, o pisikal—ay tatanggapin para isaalang-alang, habang ang mga testigo ay dadaan sa pagtatanong ng tumatawag na panig, CLRV, at huli ang kabilang panig.
Itinakda rin ng ICC ang mga panuntunan sa proteksyon ng mga testigo, kabilang ang aplikasyon para sa protective measures bago Oktubre 30. Bagaman hangad ng korte na maging bukas sa publiko ang testimonya, maaari itong isara kung kinakailangan upang mapangalagaan ang mga testigo.
Samantala, nakasalalay pa rin ang tuluy-tuloy na paglilitis sa magiging resulta ng bagong medical assessment upang matukoy kung si Duterte, na 81 taong gulang, ay fit to stand trial. Siya ay nasa kustodiya ng ICC mula pa noong Marso 2025 at ngayon ay may bagong depensa na pinamumunuan ng Briton na si Peter Haynes.
- Latest























