155 kurso sa 136 kolehiyo bubuwagin

Umaabot na sa 155 iba’t ibang programa o kurso ang mawawala sa susunod na school year sa maraming mga kolehiyo dahil sa mababang performance ng mga estudyante na kumuha nito noong nakaraang taon sa mga licensure examinations.

Ito ang inihayag kahapon ni Roger Perez, executive director ng Commission on Higher Education (CHED). Ang 155 kurso na bubuwagin ay buhat sa 136 na mga kolehiyo sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Nangunguna sa mga kursong bubuwagin ay ang accountancy na may 90 sa iba’t ibang paaralan; education (31); architecture (7); physical therapy (6); chemistry at customs broker (4); chemical engineering, civil engineering, nutrition (3); forestry (2); mechanical engineering, electrical engineering, medical technology at occupational technology (1).

Sinabi na ipapatupad nila ang pagbubuwag sa mga ito base sa Commission en banc Resolution No. 088-2002 na nagsasaad na ang mga paaralang may mababang performance sa kanilang mga programa ay hindi na magpapa-enroll pa ng mga first year students sa June 2002 at sa mga susunod pa.

Hahayaan namang matapos ng mga estudyante na nasa 2nd hanggang 4th year ang kanilang kurso.

Ang naturang mga programa umano ay hindi nakaabot sa pamantayan ng CHED na nararapat na magkaroon ng lagpas sa 5% passing rate sa loob ng 5 taong period ang mga estudyante sa kanilang mga licensure exams upang ipagpatuloy ang programa base sa Professional Regulatory Commission (PRC).

Ipinaliwanag ni Perez na dati ay hanggang 3% passing rate lamang ang kanilang pamantayan ngunit dahil sa tingin nila ay napakababa nito ay iniakyat nila sa 5% upang mapahusay pa ang sistema ng pagbibigay ng edukasyon ng mga kolehiyo. Maaari pa umano itong tumaas sa mga susunod na taon hanggang sa 10% passing rate. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments