Mga akusado sa LRT-Rizal Day bombing sasampahan na ng kaso
() - January 16, 2002 - 12:00am
Ipaghaharap na ng Department of Justice (DOJ) sa korte sa linggong ito ang kasong kriminal laban sa mga pangunahing akusado sa LRT-Rizal Day bombing.

Nabatid mula sa isang source buhat sa DOJ na tumangging magpabanggit ng pangalan, nagkasundo umano ang mga piskal na isampa ang kasong attempted, frustrated at consummated murder laban sa mga akusado sa naturang krimen.

Sinabi ng source na ang pinag-aaralan na lamang ngayon ng panel of prosecutors ng DOJ ay kung sinu-sino sa walong akusado ang kanilang kakasuhan.

Iginiit din ng impormante na ang mga pangalan na tiyak na mapapasama sa mga kakasuhan ay sina Hadji Onos alyas Muklis, Sammy Arinday at Col. Efren Torres. Malakas umano ang kaso dulot ng mga ebidensyang ipinrisinta ng mga testigo laban kina Onos, Arinday at Torres.

Si Torres ang sinasabing nagbigay ng P25,000 halaga sa iba pang kasabwat sa krimen at si Arinday naman ang naglagay umano ng black powder sa loob ng LRT. Positibo rin namang nakita sina Arinday at Onos sa pinangyarihan ng krimen buhat na rin sa ibinigay na testimonya ng mga testigo.

Nagdesisyon ang DOJ na isampa ang kaso sa korte dahil sa makailang ulit na inisnab ng mga akusado ang inihaing subpoena laban sa kanila. Patuloy pa rin sa pagtatago ang mga nasabing akusado.

Ang pinag-aaralan na lamang ngayon ng panel of prosecutors ay kung tuluyan nilang ididismis ang kaso laban sa nalalabing akusado sa krimen na kinabibilangan nina Amir Dimaamo, Salvin Camama, Ibrahim Guindolongan, Roberto Ongot at Rogelio Cagodas.

Mahina umano ang mga ebidensya laban sa limang akusadong ito kaya’t malamang na hindi na ituloy ng piskalya ang paghaharap ng kaso sa hukuman.

Matatandaan na isinagawa ang serye ng pambobomba sa LRT Blumentritt station, Plaza Ferguson sa harap ng US Embassy, Petron gasoline station sa Makati, Edsan bus line sa Cubao at Ninoy Aquino International Airport. (Ulat ni Grace Amargo)

AMIR DIMAAMO ARINDAY DEPARTMENT OF JUSTICE EFREN TORRES GRACE AMARGO HADJI ONOS IBRAHIM GUINDOLONGAN NINOY AQUINO INTERNATIONAL AIRPORT PLAZA FERGUSON
  • Latest
  • Trending
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with