GMA, Megawati magkikita ngayon

Nakatakdang makipagpulong ngayong araw si Pangulong Arroyo kay Indonesian President Megawati Sukarnoputri na nakatakdang dumating sa bansa para sa kanyang kauna-unahang pagbisita sa Pilipinas mula nang maluklok siya sa kapangyarihan.

Ayon sa Pangulo, ang pagbisita sa bansa ni Megawati ay napapanahon para ibayong mapatatag ang relasyon ng bansa sa Indonesia.

Mahalaga rin aniyang mapagbuti pa ang personal na pagkakaibigan ni Megawati sa dahilang nagsimula pa ang pagkakaibigan ng kanilang mga angkan noong panahong Pangulo pa ang kanilang mga ama.

Si Pangulong Sukarno, ama ni Megawati ay malapit na kaibigan ng yumaong Pangulong Macapagal, ama ng kasalukuyang Pangulo ng bansa.

Tatalakayin nila sa pulong ng Indonesian leader ang ukol sa kasunduan sa pangingisda na nilagdaan ng Pilipinas at Indonesia. Mahalaga aniya sa bansa ang industriya ng tuna lalo na sa Mindanao. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments