China napikon sa banat ng US solons

Binatikos kamakalawa ng gabi ng embahada ng China ang anila’y iresponsableng pahayag ng Amerikanong kongresistang si Dana Rohrabacher at dalawa nitong kasamahang mambabatas na ibinenta umano sa China ni dating Pangulong Joseph Estrada ang interes ng sambayanang Pilipino at sila ang nanuhol dito at nagbantang gagamit ng puwersang militar para nakawin ang depositong langis at gas ng Pilipinas.

Sinabi ng tagapagsalita ng Chinese Embassy na si Wang Lou na walang karapatan ang Amerika na makialam sa problema ng mga bansang nag-aagawan sa Spratly group of islands.

Sa isang forum sa Sulo Hotel, sinabi ni Senate President Aquilino Pimentel na wala sa lugar ang pahayag nina Rohrabacher na kumikilala sa pagiging lehitimo ng pamahalaang Arroyo dahil panloob na usapin ito ng Pilipinas at nakabimbim ang isyung ito sa Supreme Court.

Sa isa namang panayam sa Club Filipino, sinabi ni Acting Defense Secretary Eduardo Ermita na makikipag-usap ang Pilipinas sa iba pang bansang umaangkin sa Spratly tulad ng Vietnam, Taiwan, Brunei at maging China hinggil sa naturang usapin. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments