Monghe sa India, 5 taon nang hindi umuupo at humihiga!
Isang ascetic monk na nagngangalang Daulat Giri Ji Maharaj ang limang taon nang tuluy-tuloy na nakatayo matapos manumpa na hindi uupo o hihiga sa loob ng 12 taon.
Kabilang si Maharaj sa sektang Khareshwari o “Standing Babas,” kung saan sumusumpa ang mga miyembro nito na mananatiling nakatayo bilang isang uri ng sakripisyo upang linisin ang kanilang kaluluwa at mas mapalapit sa diyos na si Shiva. Upang maisakatuparan ang panatang ito, gumagamit ang mga monghe ng mga lubid, duyan, at mga espesyal na harness para manatiling nakatayo kahit pa bumigay na ang kanilang mga binti.
Sa mga larawan at video ni Daulat makikita siyang nakapahinga sa isang nakasabit na duyan habang ang kanyang mga binti ay labis na namamaga at nangingitim. Ang kawalan ng paggalaw at ang walang tigil na pagtayo ang nagdulot ng malalang epekto sa sirkulasyon ng kanyang dugo at pangkalahatang kalusugan. Nangangamba ang marami na maaaring umabot sa puntong kailanganing putulin ang kanyang mga binti bago pa man niya matapos ang kanyang 12 taong panata.
Karamihan sa mga pangangailangan ni Daulat ay inaasikaso ng mga volunteers ng kanilang templo. Regular nilang nilalagyan ng ointment at cream ang mga binti nito upang maibsan ang kondisyon nito. Bagama’t nililimitahan ng kanyang posisyon ang kanyang pagkilos, ipinakikita sa ilang video na nakagagalaw pa rin siya nang kaunti na nagbibigay-daan upang makapunta siya sa palikuran.
Nagbabala naman ang mga doktor na ang labis na katagalan sa pagtayo ay nagpapataas ng venous pressure. Nagsisimula ito sa pamamaga at pananakit, ngunit maaari itong mauwi sa mga nakamamatay na kondisyon tulad ng deep vein thrombosis. Ayon sa isang eksperto sa medisina, nahihirapan ang mga ugat sa binti na labanan ang gravity upang magpadala ng dugo pabalik sa puso kapag matagal na nakatayo. Dahil walang “pumping action” o paggalaw ang mga kalamnan nito, naiipon ang dugo sa ibabang bahagi ng katawan.
- Latest















