15 Cabinet members na na-bypassed sa CA, muling itatalaga
MANILA, Philippines – Sa kabila ng pagkaka-bypassed ng 15 miyembro ng gabinete sa Commission on Appointments (CA), muling itatalaga ang mga ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang mga posisyon.
Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesperson Ernest Abella na ipinaliwanag na inabot ng recess ang Kongreso kaya hindi napagtibay ng CA ang appointments ng mga opisyal. Nauna nang nag-adjourned ang Kongreso para sa dalawang linggong Halloween break na nag-umpisa noong nakaraang Huwebes.
Nabatid na kinakailangan ng pangulo na muling italaga sa kanilang tungkulin ang mga na-bypassed na miyembro ng Gabinete kung nais niyang manatili ang mga ito sa puwesto.
Kabilang sa mga na-bypassed sina Secretaries Vitaliano Aguirre ll ng Justice, Leonor Briones ng Education, Fortunato dela Peña ng Science and Technology, Ramon Lopez ng Trade and Industry, Regina Paz Lopez ng Natural Resources and Environment, Rafael Mariano ng Agrarian Reform, Ernesto Pernia ng Economic Planning, Emmanuel Piñol ng Agriculture, Rodolfo Salalima ng Information Communications Technology, Ismael Sueno ng Local Government, Judy Taguiwalo ng Social Welfare and Development, Wanda Corazon Teo ng Tourism, Arthur Tugade ng Transportation, Paulyn Jean Obial ng Health at Perfecto Yasay Jr. ng Foreign Affairs.
- Latest