^

Punto Mo

Kalokohang hazing!

RESPONDE - Gus Abelgas - Pang-masa

Marahil ay napapanahon na para tuluyang amyendahan ang Republic Act 8094 o ang Anti-Hazing Law at maipagbawal na ang lahat ng uri ng hazing na marami-raming buhay na rin ang kinitil kung ang pag-uusapan ay ang sinalihang mga fraternity o organisasyon.

Nabulaga na naman tayo sa sinapit ng 1st year law student na si Horacio Castillo III sa kamay ng kanyang sinalihang Aegis Juris Fraternity sa University of Sto Tomas (UST).

Ang biktima ay nasawi matapos isugod sa Chinese General Hospital, Linggo ng umaga matapos umanong sumailalim sa initiation rites araw ng Sabado.

Matinding mga pasa at sugat ang tinamo ng 22-anyos na estudyante, bukod pa sa mga paso ng sigarilyo at patak ng kandila sa katawan nito.

Nakapanlulumong tinapos ng walang kabuluhang hazing ang pangarap ng isang mag-aaral, maging ng kanyang mga magulang.

Anong brotherhood ang ipinapakita ng mga grupong ito. Bakit kailangan pa ba ang matinding pananakit na maranasan bago ibilang na kanilang ‘kapatid’. Malaking kalokohan.

Mistulang wala ring saysay ang batas ukol dito, dahil hindi naman binabawal ang hazing kundi na-regulate lang ito.

Masyadong malawak ang salitang ‘hazing’ na pinakahulugang isang initation rites o practice sa pagsali sa isang sasalihang organisasyon, fraternity o sorority na pinahihintulutan sa ilalim ng ilang mga kondisyon.

Eh ano, ang ilan sa mga kondisyon. Kabilang dito ang prior written notice sa school authorities o head ng organisasyon pitong araw bago ang initiation. Nakalagay ang pangalan ng mga isasailal;im sa initation, dalawang representatives ng eskuwelahan o organisasyon ang kanilang present sa isasagawang initation rites. Kailangan din ang written notice na walang magaganap na physical violence at iba pa.

Ang tanong nasunod ba, natugunan ba ito? May representatives ba ang paaralan nang isagawa ito? Kung meron bakit naganap ang matinding pananakit?

Kitang kita ang matinding pahirap na dinanas ni Atio (palayaw ni Horacio III).

Sana ay matutukan at mapanagot ang mga taong dawit dito, wag sanang mabilang sa maraming kaso ng hazing na mistulang walang naparusahan, kung meron man masasabing ilan lang.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with