Ladon, Marcial pasok sa Finals
MANILA, Philippines - Dalawang Pinoy boxers ang umusad sa finals ng 2017 Ulaanbaatar Cup Boxing Tournament na ginaganap sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Inilabas nina Rio Olympics veteran Rogen Ladon (men’s light flyweight) at reigning Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial (men’s middleweight) ang bagsik nito sa kani-kanilang dibisyon para makahirit ng puwesto sa gold-medal match.
Nailusot ni Ladon ang 3-2 panalo laban kay Shyam Kumar Kakara ng India kung saan pare-parehong may 30-27 iskor sina judges Firas Suhael Naser ng Iraq, Mohammed Nashwan ng Jordan at Dashnyam Urjibayar ng Mongolia para sa Pinoy pug.
Ibinigay naman nina Weerasena Theenage ng Sri Lanka at Chang Yu-Ling ng Chinese-Taipei ang magkatulad na 29-28 desisyon sa panig ng Indian fighter.
Mas madali ang tinahak na daan ni Marcial na nagrehistro ng 5-0 unanimous decision win laban kay Zhang Chai Feng ng China mula sa 30-27, 30-27, 30-27, 30-27 at 30-26 na iskor galing sa limang hurado.
Bigo naman si Incheon Asian Games silver medalist Charly Suarez sa men’s light welterweight kung saan lumasap ito ng 2-3 desisyon (29-28, 29-28, 28-29, 28-29, 27-30) laban kay hometown bet Bayarkhuu Ganbaatar.
Hindi umabante sa finals si Riza Pasuit na umani ng 0-5 kabiguan (27-30, 27-30, 28-29, 27-30, 27-30) kay Natalya Chandrina ng Russia.
Dahil dito, nagkasya sa tansong medalya sina Suarez at Pasuit.
Makakalaban ni Ladon sa finals si Gan-Erdene Ganhuyag ng host Mongolia na nanalo kay Bertholen Kase Ferdinan ng Indonesia (5-0) habang sasagupain ni Marcial si Jan Xo Ja ng China na umiskor naman ng 3-2 panalo kay Davaanyam Davaasuren ng Mongolia sa torneong may basbas ng Asian Boxing Confederation.
- Latest