Horn kumuha ng Pinoy sparmate
Paghahanda kay Pacquiao
MANILA, Philippines - Ang paghugot sa isang Filipino boxer bilang sparmate ang nakikita ng kampo ni Jeff Horn na makakatulong sa Austrailan challenger laban kay Manny Pacquiao.
Kinuha ni Glenn Rushton, ang chief trainer ni Horn (16-0-1, 11 KOs), si dating lightweight contender Caesar Amonsot bilang sparring partner sa kanyang paghahanda sa upakan nila ni Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) sa Hulyo 2 sa Brisbane, Australia.
“I think Czar will be great sparring for Jeff,” wika ni Rushton kay Amonsot (34-3-3, with 22 KOs) na dating naging sparmate ng Filipino world eight-division champion. “He’s been undefeated for years and is a former Pacquiao sparring partner. He’s tough and aggressive and fight fit.”
Ang 31-anyos na tubong Tagbilaran City na si Amonsot ay kasalukuyang nakabase sa Victoria, Australia at lumalaban bilang super lightweight (140-pounder).
Sumasakay si Amonsot, dating nasa bakuran ng ALA Stable sa Cebu, sa 12-fight winning streak.
Isa sa mga nakasagupa ni Amonsot ay si dating Australian world lightweight ruler Michael Katsisdis kung saan siya natalo via unaimous decision noong 2007.
Sinabi ni chief trainer Freddie Roach na ang kondisyon ni Pacquiao ay nasa 70 hanggang 80 porsiyento na ngayon bilang paghahanda kay Horn.
Itataya ni Pacquiao ang kanyang hawak na World Boxing Organization welterweight crown laban kay Horn.
Samantala, binuksan naman ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang posibilidad na pagsagupa ni Pacquiao laban kay Mixed Martial Arts superstar Conor McGregor.
Ito ay kung mababasura ang usapan sa pagitan ng mga kampo nina McGregor at ang retiradong si American world five-division titlist Floyd Mayweather Jr., tinalo si Pacquiao sa kanilang super fight noong Mayo ng 2015.
“Pacquiao has a really tough fight against this guy in Australia, Jeff Horn,” sabi ni Arum. “After that fight on July first here in the United States, after that fight, if McGregor is still looking for an opponent, Manny Pacquiao is there.”
Inihayag kamakailan ng 27-anyos na si McGregor, ang kasalukuyang UFC lightweight king, ang paglagda niya sa kasunduan para sagupain ang 40-anyos na si Mayweather sa isang boxing match.
- Latest