Tanduay humirit ng do-or-die
MANILA, Philippines – Napigilan ng Tanduay ang tangkang selebrasyon ng Phoenix nang itagay nito ang 89-75 panalo sa Game 2 upang maipuwersa ang rubber match sa 2016 Philippine Basketball Association D-League Foundation Cup best-of-3 championship series kagabi sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Naitabla ng Rhum Masters ang serye sa 1-1 kung saan nanaig ang Accelerators sa Game 1 sa bisa ng 84-76 panalo.
Lalaruin ang do-or-die bukas sa parehong venue kung saan hangad ng Rhum Masters na masungkit ang kanilang kauna-unahang titulo.
Pakay naman ng Accelerators na maibulsa ang ikalawang sunod na kampeonato matapos pagharian ang Aspirants’ Cup noong summer.
Nasungkit ni Mike Tolomia ang Conference Most Valuable Player matapos magtala ng average na 19.9 points, 4.9 rebounds at 4.7 assists para tulungan ang Accelerators na makabalik sa finals.
Mismong sina PBA commissioner Chito Narvasa at tournament director Eric Castro ang naggawad ng parangal sa 23-anyos playmaker.
Maliban sa statistics, nakakuha ng malaking boto si Tolomia mula sa media, television coveror at Commissioner’s office.
- Latest