Nietes pababagsakin si Garcia
MANILA, Philippines – Handang-handa na si World Boxing Organization (WBO) light flyweight champion Donnie “Ahas” Nietes na ipagtanggol ang kanyang titulo laban kay Mexican challenger Raul Garcia sa Mayo 28 sa University of Saint La Salle sa Bacolod City.
Inspirado si Nietes na lumaban sa pagkakataong ito dahil nais nitong bigyan ng kasiyahan ang kanyang mga kababayang inaasahang daragsa sa venue upang suportahan ang kanyang pagdepensa sa titulo.
“Excited na akong lumaban sa harap ng mga kababayan kong Ilonggo kaya talagang puspusan ang training ko ngayon. Isa lang ang puntirya ko sa kanya (Garcia) ang mapatumba ko siya sa labang ito,” pahayag ni Nietes na may hawak na 37-1-4 rekord tampok ang 21 knockouts.
Si Nietes ang longest reigning world champion sa Pilipinas.
Tatlong panalo ang naitala ni Nietes noong nakaraang taon laban sa magkakaibang Mexican fighters.
Kung mananaig si Nietes kay Garcia, posible nitong makaharap sa kanyang susunod na laban si WBO/World Boxing Association flyweight champion Juan Francisco Estrada.
Maliban sa bakbakang Nietes-Garcia, masisilayan din ang banggaan nina Milan Melindo (33-2, 12 KOs) at Javier Mendoza (24-3-1,19 KOs) gayundin ang laban nina King Arthur Villanueva (28-1, 14 KOs) at Juan Jimenez (22-9, 15 KOs).
- Latest