Solo 2nd pakay ng Kings vs Bolts
MANILA, Philippines - Mag-uunahang makabangon ang apat na koponan mula sa kanilang mga nalasap na kabiguan.
Hangad masolo ang ikalawang puwesto, lalabanan ng Barangay Ginebra ang Meralco ngayong alas-7 ng gabi matapos ang banggaan ng NLEX at expansion team na Blackwater sa alas-4:15 ng hapon sa 2014-2015 PBA Philippine Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nanggaling ang Gin Kings sa 77-79 kabiguan sa San Miguel Beermen noong Nobyembre 16, samantalang tatlong sunod na kamalasan ang naranasan ng Bolts.
Sa naturang laban ay natawagan ang Gin Kings ng kabuuang 19 turnovers laban sa Beermen.
“I think we weren’t there as a team for the whole 48 minutes,” sabi ni seven-foot center Greg Slaughter, kumolekta ng 16 points at 18 rebounds para sa Ginebra.
Bukod kay Slaughter, muling aasahan ng Ginebra sina Mark Caguioa, Japeth Aguilar, LA Tenorio, Jayjay Helterbrand at Mac Baracael.
Itatapat naman ng Meralco, nagmula sa 79-107 kabiguan sa Rain or Shine noong nakaraang Sabado sa Davao City, sina Gary David, Jared Dillinger, Cliff Hodge, Reynel Hugnatan at Sean Anthony.
- Latest