PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

‘Sapawan?’

PINANGANGALAGAAN lamang niya ang mga mahihirap at magsasaka na maaapektuhan ng pagmimina. Ito ang mariing sinabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez.

Ilang minahan na ang napasara at napatigil sa pag-oope­rasyon ni Lopez dahil may mga paglabag umano ang mga ito.

Sinuportahan naman ni Presidente Rodrigo Duterte ang desisyong ito ni Lopez.

Nilinaw din ni Lopez na hindi niya hangad na maitigil ang pagmimina sa bansa. Basta sumunod lamang sila sa batas at walang iligal sa kanilang negosyo ay hahayaan nila ito.

Ang pagmimina ay nagbibigay din ng trabaho sa mga Pilipino ngunit kung napipinsala na nito ang ating likas na yaman ay mas maraming buhay ang malalagay sa kapahamakan.

Nitong nakaraan ay nagbaba ng order si Lopez na ang mga mining companies ay kinakailangang maglagak ng dalawang milyong trust fund sa bawat ektaryang ng exploited land para sa mga magsasakang apektado ng mga mining companies.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Bago nila maibiyahe o mailipat ang kanilang ore stockpiles ay kinakailangan muna nilang magbigay ng nasabing halaga.

Ang kapakanan ng mga mahihirap na magsasaka ang iniisip ni Lopez dahil wala namang ibang mangangalaga sa kanila.

Maganda sana ang intensiyong ito ni Lopez ngunit mukhang kinontra ito ni Executive Secretary Salvador Medialdea nang pahintulutan niya ang mga minahan na maibiyahe o mailipat ang mga stockpiles nito mula sa mga mining sites kahit hindi nagbabayad ng dalawang milyong piso bilang compensation sa mga naapektuhang magsasaka.

Hindi ikinatuwa ni Lopez ang naging desisyong ito ni Medialdea dahil ang utos nito ay taliwas sa order na kanyang ibinaba.

Kinuwestiyon ni Lopez ang hakbang na ito ni Medialdea at tinanong kung patas ba para sa mga magsasaka ang direktiba niyang ito.

Sa halip na maglalagak muna ng pera ang mga mining companies bago makakuha ng export permits ay hindi na ito mangyayari dahil nagbaba na ng utos si Medialdea.

Ang gusto lang ni Lopez ay magkaroon ng sariling pera ang mga magsasaka kapag nagsimula na ang mine rehabilitation. Ano na lamang daw ang mangyayari sa mga magsasaka kapag nagkataon? Sino ang mangangalaga sa kanila?

Nang labas siya ng order kaya ang kanyang grupo ay maaa­ring pigilan ang paglilipat ng mga stockpiles ngunit dahil sa inilabas ni Medialdea ay wala na raw siyang magawa.

Taliwas sa kanyang order ang utos ni Medialdea. Hindi raw niya hangad na magkaroon ng kaaway pero kung  nagbaba siya ng order at ikaw ay taliwas sa kanya ay makikipaglaban siya.

Una nang sinabi ni Presidente Duterte na pitong bilyong piso ang kinikita ng gobyerno mula sa pagmimina.

Handa niya raw itong ipagpalit para kay Lopez dahil si­nuportahan niya ang pagpapasara nito ng madaming minahan.

Mahalaga ding mapangalagaan at mareserba ang kalikasan. Nag-iiwan ng butas ang mga minahan at kapag umulan ay maiipon lamang ang tubig doon at maaaring maging sanhi ng landslide at pagguho ng kabundukan.

Mabubuhay din daw ang Pilipinas kahit na walang natatanggap na buwis mula sa pagmimina lalo pa kung ang mga kompanyang ito ay may paglabag na ginagawa at sinisira lamang ang kalikasan.

Marami mang kritiko si Lopez kinakailangan din nilang isaalang-alang ang kalagayan ng ating likas na yaman dahil kung hindi natin ito aalagaan ay mas malaking problema ang balik nito sa atin.

Hindi naman pera o kita lamang ang dapat tingnan dito kundi ang kapakanan ng ating mga kababayang magsasaka na nawawalan ng hanapbuhay dahil sa pagmimina.

May mga kababayan man tayong nagbibigyan ng hanapbuhay ngunit may mga pamilya din namang nagugutom nang dahil sa pagmimina.

Walang namang sinabi ang Presidente na ipapatigil ang pagmimina sa buong bansa ngunit kinakailangan lamang ng mga kompanyang ito na maging responsable.

Gawin nila ang kanilang negosyo ngunit isaalang-alang din nila ang kalagayan ng kalikasan at ng mga taong mawawalan ng ikabubuhay. Siguraduhin nila na hindi nila masisira ang mga water shed o iba pang pinagkukunan ng yaman ng bansa.

Kahit na maraming bumabatikos sa mga desisyon ni Lopez ay suportado pa rin siya ng Presidente at malaki ang tiwala niyang nagmamalasakit lamang si Lopez sa kalikasan.

Maging sa mga apektadong pamilya ay iniisip niya rin na may magagamit ang mga ito para makapagsimula ngunit dahil sa mukhang tinabla ni Medialdea ang kanyang desisyon ay umalma na si Lopez.

Muling ini-appoint ni Presidente si Lopez bilang DENR Secretary.

Nakipag-ugnayan na si Lopez kay Bong Go tungkol sa nangyaring ito ngunit hinihintay pa niya ang magiging kasagutan nito.

Sa rami ng naipasara ni Lopez hindi naman talaga kataka-taka na may aalma sa kanyang mga desisyon. Ilang minahan na din ang bumaba ang kita sa paghihigpit ng DENR.

Ganun pa man magandang bagay rin naman ito dahil mas mapapangalagaan natin ang likas na yamang meron tayo.

Bilang miyembro ng gabinete ay may pagkakataon si Lopez na magbaba ng kautusan ngunit kung mas mataas sa kanya ang magbabaliktad ng kanyang gusto mahihirapan siyang maipatupad ito.

Ano kaya ang magiging sagot ng Presidente sa nangyayaring ito? Pumanig pa kaya siya kay Lopez at pumayag na magbigay ng dalawang milyong trust fund ang mga mining companies?

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451.

Sa gustong maka-usap ako ng diretso maaari kayong tumawag sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

 

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: