PSN Probinsiya ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Munisipyo, korte binulabog ng bomb threat

MANILA, Philippines — Binulabog ng bomb threat ang municipal hall at Regional Trial Court (RTC) ng Taytay, Rizal matapos na makatanggap ng tawag mula sa hindi nagpakilalang caller  na may sasabog na bomba dito nitong Biyernes ng umaga.

Sinabi ni Supt. Samuel Delorino, Chief of Police ng Taytay, dakong alas -9:05 ng umaga ng makatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang hindi nagpakilalang lalaki ang Taytay RTC Branch 100 at sinabing mayroon umanong bombang nakatanim dito na sasabog na anumang oras.

Dahil dito ay nabulabog ang mga empleyado at mga bisita ng nasabing hukuman na mabilis na naglabasan sa gusali sa matinding takot.

Samantalang ilang sandali pa ay nakatanggap rin ng tawag sa telepono mula sa isang hindi nagpakilalang lalaki ang Public Information Office (PIO) ng municipal hall ng Taytay  na sinabing may bomba ring sasabog dito.

Nagresponde naman sa lugar ang mga elemento ng Explosives and Ordnance Team ng pulisya bitbit ang mga K 9 dogs na nagsagawa ng paghahalughog sa gusali.

Gayunman, dakong alas-9:40 ng umaga ay idineklarang negatibo sa bomba ang dalawang gusali. Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng mga  pulisya sa kasong ito.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: