Shootout: Lider ng gun-for-hire gang, todas
MANILA, Philippines — Napaslang ang sinasabing most wanted na lider ng gun-for-hire gang sa Samar makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Barangay San Vicente, Tarlac City, Tarlac noong Lunes ng hapon.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Amador Corpus, kinilala ang napaslang na si Genesis “Etin Oquendo” Oquendo ng Calbayog City, Samar.
Si Oquendo na may patong sa ulo na P50,000 ay sinasabing wanted kaugnay ng kasong tatlong counts ng murder na inisyu ni Judge Ernesto Peñaflor ng Regional Trial Court Branch 32 ng Calbayog City.
Arestado naman sa operasyon ang mga kasamaha ni Oquendo na sina William Remon, 53; Gerome Vasquez, 43, security guard; Henry Palmones, 48; at si Victor Vasquez.
Bandang alas-5:30 ng hapon habang isinisilbi ng mga tauhan ng Tarlac City Police at Intelligence Branch ng Samar Police ang warrant of arrest laban sa suspek sa pinagtataguan nito sa Zaraga apartment sa 2nd Street, Fairlane Subdivision sa nasabing barangay.
Gayunman, sa halip na sumuko ay kumasa ang suspek sa arresting team ng pulisya na nauwi sa shootout.
Narekober ang dalawang cal. 45 pistol na may mga bala, cal. 38 revolver na may apat bala.
- Latest