Ikalawang impeachment complaint vs P-Noy inihain
MANILA, Philippines - Naghain ang grupo ng kabataan ng ikalawang impeachment complaint laban may Pangulong Noynoy Aquino kaugnay sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Pinangunahan ng grupong Youth Act Now, Anakbayan at mga student council representatives sa iba’t ibang mga unibersidad ang paghahain ng reklamong impeachment sa tanggapan ni Secretary General Marilyn Barua-Yap.
Sa 23 pahinang complaint na inihain ng mga kabataan ay inaakusahan ng mga ito si Pangulong Aquino ng paglabag sa culpable violation of the constitution, betrayal of public trust, at graft and corruption dahil sa iligal na pagbuo sa DAP.
Agad naman itong inendorso ni Kabataan partylist Rep. Terry Ridon dahil naniniwala itong sufficient in form and substance ang nasabing reklamo.
Agad itong umapela sa mga kasamahang mambabatas na nakinabang din sa DAP na huwag sanang harangin ang mga complaint na inihain laban kay P-Noy at hayaan ang nais ng publiko na kumilos para dito.
Matatandaan na noong Lunes ay nauna na rin naghain ng impeachment complaint ang may 27 petitioner laban kay Pangulong Aquino kaugnay pa rin sa isyu ng DAP.
Tahasang sinabi naman ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na walang dahilan para i-impeach ang pangulo na umanoy tapat at nagbago ng kalakaran sa pamahalaan.
“Impeaching an honest president is wishful thinking”, ayon pa kay Umali.
Para naman kay Negros Occidental Rep. Albee Benitez, wala ng panahon ang impeachment sa pangulo dahil nalalapit na rin ang 2016 elections.
- Latest