Pacman kabilang sa nominado ng BWAA Boxer of the Year
MANILA, Philippines – Nakawala man kay Sen. Manny Pacquiao ang 2016 ESPN.com Fighter of the Year trophy ay may tsansa pa rin siya para sa top individual honor ng Boxing Writers Association of America (BWAA).
Nakabilang ang Filipino world-eight division champion sa mga nominado para sa 2016 Boxer of the Year ng BWAA dahil sa kanyang mga panalo kina Timothy Bradley Jr. at Jessie Vargas.
Muling dinomina ni Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) si Bradley (33-2-1, 13 KOs) sa ikalawang sunod na pagkakataon sa kanilang ikatlong pagtutuos noong Abril bago inagaw kay Vargas (27-1-0, 10 KOs) ang hawak nitong WBO welterweight belt noong Nobyembre.
Nauna nang nakamit ni Pacquiao ang nasabing Sugar Ray Robinson Fighter of the Year trophy ng BWAA noong 2006, 2008 at 2009.
Isa naman si unified light welterweight titlist Terence Crawford (30-0-0, 21 KOs) sa mga ikinukunsidera ni Bob Arum ng Top Rank Promotions para labanan ni Pacquiao sa Hunyo.
Kinilala si Crawford bilang Fighter of the Year ng BWAA noong 2014.
Maliban kina Pacquiao at Crawford, ang isa pang nominado para sa BWAA Fighter of the Year award ay si ESPN.com Fighter of the Year Carl Frampton ng Ireland na naghari sa junior featherweight at featherweight divisions noong 2016.
Ang iba pa ay sina Nicaraguan star Roman Gonzales, naging four-division world champion noong 2016; Vasyl Lomachenko, magkasunod na binigo sina Roman Martinez at Nicholas Walters at Joe Smith Jr., pinatumba at pinagretiro si legendary Bernard Hopkins.
Ibibigay ng BWAA ang 2016 Fighter of the Year sa Pebrero.
Ihahayag din ng BWAA ang Fight of the Year, Trainer of the Year at ang Manager of the Year.
- Latest