Tandem pinabulagta
MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang isang magpinsan na magkaangkas sa isang motorsiklo matapos na sila ay pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek noong Sabado ng madaling araw sa Caloocan City.
Kinilala ang magpinsan na nasawi na sina Allan Keith Malazarte, 42, binata, at si Joseph Malazarte, nasa hustong gulang at kapwa naninirahan sa Brgy. 178, Camarin, ng naturang lungsod.
Batay sa naantalang ulat na ipinadala ng Caloocan City Police-North Extension Office, dakong alas-12:55 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa magpinsan sa may harapan ng entrance gate ng Green Valley Subdivision, sa may Phase 6 Brgy. 178, ng naturang lungsod habang magkaangkas sa isang itim na motorsiklo.
Nang respondehan ng mga otoridad ang lugar ay natagpuang patay ang magpinsan.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng motibo sa pamamaril kabilang ang pag-alam sa background ng mga biktima upang makakuha ng lead.
- Latest