Driver natusta sa lumaylay na kuryente
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Kamatayan ang sinapit ng 64-anyos na driver ng heavy equipment matapos itong matusta sa natalupang linya ng kuryenteng nakalaylay sa kanyang daraanan sa Barangay Villa Pascua, bayan ng Diffun, Quirino kamakalawa. Sa police report na nakarating kay P/Chief Insp. Maciste Serrano, hepe ng Diffun PNP, magdedeliber ng ready mix cement sa isang proyekto ng gobyerno ang biktimang si Adolfo Sumulat nang humimpil ito upang itali ang mga nakalaylay na kable ng kuryente sa ibabaw ng cement mixer na pag-aari ng Noel Lim Construction. Sa kasamaang palad ay aksidente nitong nahawakan ang talop na bahagi ng kable kaya ito tumalsik mula sa taas ng kinatatayuan niyang sasakyan sa lakas ng boltahe. Idineklarang patay si Sumulat sa Diffun District Hospital kung saan siya isinugod.
- Latest